Ikakasa pa rin ng mga militanteng grupo ang kanilang kilos protesta sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngayong Lunes, ika-27 ng Hulyo.

Ito ay sa kabila ng pagbabawal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Inter-Agency Task Force (IATF).

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, hindi naman ipinagbabawal sa ilalim ng konstitusyon ang paghahayag ng kanilang saloobin at susunod pa rin naman sila sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at social distancing.

Tiniyak naman ng grupo na magkakaroon sila ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, gayundin sa Quezon City Police District at Commission on Human Rights (CHR), para maging tahimik at maayos ang kanilang ikakasang protesta.

Samantala, maaga naman nilang ikakasa ang kilos-protesta ngayong araw sa harap ng CHR sa Commonwealth Avenue, gayundin sa paligid ng Elliptical Road at UP University Ave. bago ang Salubungan march.

Naka-heightened alert na ang Philippine National Police (PNP) para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.

Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si PBrig. Gen. Bernard Banac, kasado na ang kanilang preparasyon upang matiyak ang seguridad ng pangulo.

Aniya, wala naman umano silang natatanggap na anumang banta hanggang sa ngayon.

Samantala, muli namang ipinapaalala ni Banac sa mga magkakasa ng kilos-protesta na bawal sa mga pampublikong lugar at maaari lamang nila ito gawin sa loob ng UP Campus bilang paggalang na rin sa kanilang academic freedom.

Iginiit naman nito na kailangang sumunod sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at pag-obserba sa physical distancing.

Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko kaugnay sa mga nabibiling bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa internet.

Paliwanag ng FDA, wala pa naman kasi silang inaaprubahang bakuna laban sa virus gayung nasa developing stage pa lamang ito at hindi pa nakukumpleto ang clinical trials para mapatunayan na ligtas at epektibo nga ito.

Hinihikayat naman ng FDA ang publiko at mga lokal na pamahalaan na maging mapagmatyag sa mga taong nagbebenta ng mga umano’y bakuna laban sa COVID-19 partikular na ang mga nagbebenta online.

Samantala, ibinabala rin ng ahensya na kung sinuman ang mahuhuling nagbebenta ng mga ilegal na bakuna ay mananagot sa batas sa ilalim ng Republic Act No. 9711 o mas kilalang food and drug administration act of 2009.

Nadagdagan pa nang mahigit 2,100 ang bilang ng tinamaan ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa Pilipinas.

Sa huling datos ng Department of Health (DOH) bandang 4:00, Linggo ng hapon (July 26), umabot na sa 80,448 ang confirmed cases ng nakakahawang sakit sa bansa.

Sa nasabing bilang, 52,406 ang aktibong kaso.

Sinabi ng kagawaran na 2,110 ang bagong napaulat na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nasa 39 ang napaulat na nasawi.

Dahil dito, umakyat na sa 1,932 ang COVID-19 related deaths sa bansa.

Ayon pa sa DOH, 382 naman ang gumaling pa sa bansa.

Dahil dito, umakyat na sa 26,110 ang total recoveries ng COVID-19 sa Pilipinas.

Samantala, Sumampa na sa halos 16.2 milyon ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong mundo.

Batay sa huling tala, pumalo na sa kabuuang 16,203,478 ang tinamaan ng nakakahawang sakit sa iba’t ibang bansa.

Nangunguna pa rin sa may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 ang Estados Unidos na may 4,315,709 cases.

Sumunod na rito ang Brazil na may 2,396,434 na nagpositibo sa pandemiya.

Nasa 1,385,494 naman ang kaso sa India habang 806,720 ang napaulat na kaso sa Russia.

Lumabas din sa pinakahuling datos na umakyat na sa kabuuang 648,453 ang bilang ng nasawi sa iba’t ibang bansa.

Nasa 9,914,013 naman ang total recoveries ng COVID-19 pandemic sa buong mundo.

Hindi pinag-uusapan sa mga pulong ng gabinete ng Pangulong Rodrigo Duterte o kahit sa bawat miyembro ng gabinete ang charter change.

Ito ang tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa harap ng mga batikos laban sa pagsusulong ng charter change sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Ang isyu naman anya ng pag-amyenda sa konstitusyon ay tungkulin ng kongreso.

Idinepensa rin ni Nograles ang Dept of Interior and Local Government (DILG) sa tila pagsusulong nito sa Cha-Cha sa harap ng pandemya.

Sinabi ni Nograles na ang rekomendasyon para sa cha-cha ay nagmula sa mahigit 1,000 alkalde at ginawa lamang ng DILG ang tungkulin nitong i-proseso ang kahilingan ng mga LGU’s dahil nasasakupan ito ng ahensya.

Kinansela ng Professional Regulation Commission (PRC) ang mga nakatakdang licensure examinations sa buwan ng Setyembre.

Sa inilabas na pahayag, ang hakbang ay dahil sa mga ipinatutupad paghihigpit ng gobyerno dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso at epekto ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.

Ayon pa sa PRC, ito ay para masiguro na rin ang kaligtasan at mapahalagahan ang kalusugan ng PRC examinees, Professional Regulatory Boards (PRBs) at examination personnel.

Narito ang mga na kinanselang exams ng PRC:

  • Licensure Examination for Foresters (September 1 – 2, 2020)
  • Licensure Examination for Registered Electrical Engineers (September 4 – 5, 2020)
  • Licensure Examination for Registered Master Electricians (September 6, 2020)
  • Librarians Licensure Examination (September 8 – 9, 2020)
  • Licensure Examination for Respiratory Therapists (September 15 – 16, 2020)
  • Licensure Examination for Professional Teachers (September 27, 2020)
  • Agricultural and Biosystems Engineers Licensure Examination (September 29 – 30, 2020)

Sa taong 2021 na ire-reschedule ang mga nakanselang exam.

Sinabi pa ng PRC na antabayan ang kanilang mga susunod na anunsiyo kung kailangan ang magiging schedule ng mga apektadong licensure examinations sa kanilang website at social media accounts.

Maaari ring mag-email sa licensure.office@prc.gov.ph at licensure.division@prc.gov.ph.

Matatandaang kinansela rin ng ahensya ang mga nakatakdang licensure examinations noong nakaraang Marso at hanggang buwan ng Agosto dahil pa rin sa banta ng nakamamatay na COVID-19.

Muling sinuspinde ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management for Emerging Infectious Diseases ang non-essential travels o mga hindi importanteng biyahe palabas ng bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isang kumpanya lamang ang pumayag na magbigay ng travel at health insurance na isa sa mga requirements para makalabas ng bansa.

Nais ng gobyerno na matiyak na may sasagot sa gastusin ng pasahero sakaling magkaroon ng rebooking o kaya ay kailanganing dalhin sa ospital dahil sa COVID-19.

Hindi naman binanggit ni Roque ang pangalan ng health at insurance company.

Pero maaaring bumiyahe palabas ng bansa ang mga may kumpirmado ng bookings noon pang Hulyo 20.

Sinabi ni Roque na maghahanap pa ng maraming insurance companies na papayag sagutin ang gastos ng mga pasahero sakaling magkaroon ng aberya.

Pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang paggamit ng isa pang teknolohiya para sa mas mabilis na paglabas ng resulta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) test.

Tinukoy ni Cabinet Secretary at IATF co-chairman Karlo Nograles ang Antigen test technology.

Maaari anyang lumabas ang resulta ng COVID-19 test sa antigen sa loob lamang ng 30 minuto kayat mas mabilis na maaabot ng pamahalaan ang target na mahigit sa 30,000 COVID-19 tests araw-araw.

Naniniwala rin si Nograles na mas epektibo ang antigen kaysa sa rapid test na kasalukuyang ginagamit ngayon sa COVID-19 tests.

Kung sa rapid testing anya ay sinusuri ang antibodies bilang indikasyon lamang na positibo sa virus ang pasyente sa antigen ay isang bahagi ng COVID-19 virus ang nade-detect.

Sumampa na sa kabuuang 74,390 na ang bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ito ay matapos na makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2,200 bilang ng bagong kaso ng COVID-19.

Sa mga bagong kaso ng COVID-19, 1,314 ang ‘fresh’ cases, habang nasa higit 800 naman ang late cases.

Ayon sa DOH sa Metro Manila naitala ang pinakamaraming bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kung saan umabot ito sa 1,546 na sinundan naman ng Cebu na mayroong 246 na bagong kaso ng COVID-19.

Sa ngayon, nasa 24,383 naman ang bilang ng mga nakarekober sa COVID-19 at nasa 1,871 naman ang bilang ng mga nasawi.

Samantala, nasa 48,000 naman ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sen. Sherwin Gatchalian hinimok niya ang Globe at Smart na magbigay ng libreng internet connectivity sa mga mag-aaral sa muling pagsisimula ng mga klase sa pamamagitan ng blended learning system.

Kung bawat mag-aaral ay makakagamit ng internet, isang mahalagang hakbang ito upang makabangon ang ating sistema ng edukasyon mula sa epekto ng COVID-19, gawin itong mas matatag sa panahon ng kalamidad, at masigurong walang batang maiiwan.”

Ito ang sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian kayat hinimok niya ang Globe at Smart na magbigay ng libreng internet connectivity sa mga mag-aaral sa muling pagsisimula ng mga klase sa pamamagitan ng blended learning system.

Aniya, para magkaroon ng internet service sa 42,046 barangays sa bansa, kailangang maglagay ang telcos ng cell sites sa mga pampublikong paraan.

Diin pa ng senador, kung may internet maging sa mga tinatawag na ‘Last Mile Schools’ o mga liblib na paaralan, walang estudyante ang mapapag-iwanan sa edukasyon sa gitna ng pandemiya.

Base sa ulat ng DepEd, tatlong milyong estudyante ang pumapabor sa online learning at mahigit pitong milyon naman ang pinili ang modular distance learning samantalang 1.2 milyon ang gustong makapag-aral sa pamagitan ng telebisyon at higit 600,000 ang pinili ang radyo.

May 2.9 milyon estudyante naman ang nagsabi na may internet sa kanilang bahay, samantalang higit 1.8 milyon ang walang laptop, desktop, TV maging radyo.