Sinusugan ni UP Institute of Mathematics Prof. Guido David ang panawagan ng medical community na magpatupad muli ng 2-linggong ECQ sa MM na maaari ring maging dahilan para magkaroon ng ‘flattening of the curve’ sa kaso ng COVID-19.
Pero hindi kumbinsido si David na kaya ng 2-linggong ECQ para ma-flatten ang curve sa NCR.
Naniniwala si David na sapat na ang isang buwang ECQ sa NCR para bumagal ang transmission ng COVID-19.
Mas handa na rin aniya ang gobyerno ngayon pagdating sa testing, contact tracing at isolation kaya magiging mas epektibo ito kumpara noong unang inilagay sa ECQ ang Metro Manila.
Ehemplo umano dito ang Cebu City na biglang tumaas ang kaso ng COVID-19 kaya inilagay sa ECQ na nagresulta ng pagbaba ng transmission rate.
Sa Senado, sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, na panahon na para makipag-appointment ang Pangulo sa mga doktor at personal na pakinggan ang kanilang mga hinaing.
Para kay Sen. Richard Gordon, dapat ikonsidera ng gobyerno ang mga daing ng medical frontliners sa pagdedesisyon at pagpapatupad ng quarantine levels.
Pagod na pagod na umano ang mga health workers at marami na rin ang nagkakasakit sa kanila halimbawa na lamang nito ang mga medical technicians ng Red Cross na marami na rin sa kanila ang dinapuan ng COVID-19.
Sa panig naman ni Albay Rep. Edcel Lagman, ang relief at recovery ng kalusugan ng tao ang dapat iprayoridad sa halip na ang negosyo sa mga critical area.
Giit pa ni Lagman, hindi dapat na tularan ang ibang bansa na tulad ng Japan na nagbukas agad ng kanilang ekonomiya, leisure at domestic travel activities kaya muling bumalik ang COVID-19 doon.
Una rito ay nanawagan ang League of Provinces of the Philippines (LPP), kay Pangulong Duterte na palawigin pa ang ECQ dahil na rin sa dumaraming bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Una na ring hiniling ng mga medical frontliners na ibalik sa ECQ ang NCR para maampat ang tumataas na kaso at makapagpahinga naman sila na nakararanas ngayon ng sobrang pagod.
Sa pagtataya ng UP, posibleng umabot sa 150,000 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa pagtatapos ng Agosto.