Ibinuhos na ng gobyerno ang pondo nito para mabigyan ng ayuda ang mga Pilipinong naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ipinabatid ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, Co-Chair ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) matapos i-report ni DSWD Secretary Rolando Bautista na pumapalo sa mahigit P106-billion ang naipamahaging tulong pinansyal sa mahigit 19-milyong beneficiaries sa ilalim ng SAP o social amelioration program.

Bukod dito inihayag pa ni Nograles na inaprubahan na ng Social Security System ang halos kalahating milyong application para sa calamity assistance na nagkakahalaga ng P7. 5-billion.

Nabigyan na rin aniya ng tulong ang nasa mahigit P74-million mula sa kabuuang P84- million ang halos 6,000 manggagawa na nawalan ng trabaho.

Ayon pa kay Nograles Ang Department of Labor and Employment (DOLE) naman ay nakapagbigay na ng tulong pinansyal sa halagang P6.4-billion sa mahigit 1-milyong displaced employees sa formal at informal sectors kabilang ang mga OFW’s.

Iniulat din ni nograles ang naipalabas na P6-billion na cash subsidy ng Department of Agriculture para sa mahigit isang milyong magsasaka at mangingisda na apektado ng COVID-19 pandemic.

Binigyang diin pa ni Nograles na hindi rin naman nagpahuli ang Department of Education para ayudahan ang mga naapektuhan sa sektor ng edukasyon.

Kabilang dito ang computer loan program ng GSIS para sa distance learning o online classes at cash loan program para matulungan ang mga miyembro nitong makapagbayad ng matrikula at iba pang gastusin sa paaralan ng kanilang mga anak.

May ipiprisintang roadmap recovery sa COVID-19 si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ilalatag ng Pangulo ang detalyadong recovery plan sa susunod na Lunes.

Magbibigay din aniya ang Pangulo ng buod sa epekto ng COVID-19 sa bansa.

Ipakikita rin ng Pangulo kung paano ang naging pagresponde ng pamahalaan sa naturang problema.

Binalaan ni DILG Secretary Eduardo Año ang sinumang indibidwal na mahuhuling walang suot na face mask sa labas ng kanilang tahanan at lalabag sa physical distancing, na maaari silang makulong ng mula 10 hanggang 30-araw.

Sa isang pre-SONA forum at press confe­rence, sinabi ni Año na nakipagpulong siya sa mga local chief executives (LCEs) iminungkahi na magkaroon ng iisang polisiya na magpapataw ng parehong parusa sa mga lalabag sa quarantine protocols.

Maaari namang uma­­bot ang multa mula P1,000  hanggang P5,000.

Nauna rito, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na arestuhin at ikulong ang mga taong hindi magsusuot ng face mask ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Nadagdagan pa nang mahigit 1,500 ang bilang ng tinamaan ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa Pilipinas.

Sa huling datos ng Department of Health (DOH) bandang 4:00, Miyerkules ng hapon (July 22), umabot na sa 72,269 ang confirmed cases ng nakakahawang sakit sa bansa.

Sa nasabing bilang, 46,803 ang aktibong kaso.

Sinabi ng kagawaran na 1,594 ang bagong napaulat na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nasa anim ang napaulat na nasawi.

Dahil dito, umakyat na sa 1,843 ang COVID-19 related deaths sa bansa.

Ayon pa sa DOH, 342 naman ang gumaling pa sa bansa.

Dahil dito, umakyat na sa 23,623 ang total recoveries ng COVID-19 sa Pilipinas.

Naghahanda na ang senate blue ribbon committee para sa gagawing imbestigasyon nito hinggil sa pakamatay ng ilang preso ng National Bilibid Prison (NBP) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)

Ayon sa chair ng kumite na si Senador Richard Gordon, hindi kapani-paniwala ang mga naganap sa kulungan, at may nakikita rin aniya itong paglabag sa umiiral na protocols, gaya ng hindi agad na pagreport sa pangyayari sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Justice at Health department.

Dagdag pa ni Gordon, dapat ding may katibayan ang pagkasawi ng naturang preso.

Samantala, tingin pa ni Gordon, may paglabag sa bahagi ng pamunuan ng Bureau of Corrections gaya ng pagsunod sa mga ipinatutupad na alituntunin hinggil sa isyu.

Umalma si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag sa dumaraming pagdududa ng mga opisyal ng pamahalaan sa pagkamatay ng high profile inmates sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)

Binigyang diin ni Bantag na ang mga matataas na tao pa sa pamahalaan ang tila naglalagay ng pagdududa sa isipan ng publiko.

Ayon kay Bantag, dapat ay nagtitiwala ang mga taong gobyerno sa mga itinalagang tauhan sa isang ahensya ng pamahalaan.

Iginiit ni Bantag na sumunod lamang sila sa protocol ng Department of Health (DOH) na agad i-cremate ang mga namamatay sa COVID-19.

Matatandaan na noong una ay ayaw kumpirmahin ng BuCor na isa si Jaybee Sebastian sa mga nasawi sa COVID-19 subalit kinumpirma rin ito nang pagpaliwanag ng Department of Justice si Bantag.

Limited face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19)

Suportado ni Senador Francis Tolentino ang pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ‘limited face-to-face classes’ sa mga lugar na walang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Tolentino, sa naturang paraan, magagamit ng Department of Education (DepEd) ang limited/o kakaunting resources nito para ipatupad ang ‘blended learning system’ para naman sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19.

Nauna rito, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11480 na nagbibigay sa punong ehekutibo na ipagpaliban o iurong ang pagsisimula ng klase, basta’t may kalamidad o pandemya.

Samantala, pinatitiyak ni Tolentino na dapat pa ring mahigpit na ipatupad at sundin ang mga umiiral na safety protocols kontra COVID-19, para na rin aniya sa kaligtasan ng bawat-isa sa mga paaralan.

Kinakalampag na ng ilang consumers ang Department of Trade and Industry (DTI) at National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay sa refund ng nabiling TV Plus Box ng ABS-CBN.

Kinakalampag na ng ilang consumers ang Department of Trade and Industry (DTI) at National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay sa refund ng nabiling TV Plus Box ng ABS-CBN.

Ito ay kasunod nang pagpapalabas ng cease and desist order ng NTC laban sa digital satellite broadcast system ng ABS-CBN, Channel 43 at Sky Cable.

Ayon kay Atty. Larry Gadon, nilapitan siya ng ilang consumers at nagpapatulong na maibalik sa kanila ang mga perang pinambili ng TV Plus Box.

Nilinaw naman ni Gadon na ilegal ang pagbebenta ng TV Plus Box kung kaya’t mas mainam na ibalik na lamang ng ABS-CBN ang perang pinambili ng mga consumers.

Samantala, matatandaang pinagbantaan ni Gadon ang NTC officials na kanya itong kakasuhan dahil hinayaan umano nitong umere ang ABS-CBN kahit expired na ang prangkisa noong ika-4 ng Mayo.

Panukalang batas na layong magtayo ng quarantine facility sa bawat rehiyon sa bansa.

Humingi ng suporta si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa mga kapwa nitong senador para sa panukalang batas na layong magtayo ng quarantine facility sa bawat rehiyon sa bansa.

Paliwanag dito ni Go na siya ring chair ng committee on health ng senado, oras na maging batas ito, hahanap ng lugar ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagtatayuan ng quarantine facility sa tulong ng ilang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways  (DPWH) at ilang mga local government units (LGUs).

Dagdag pa ni Go, DOH ang siyang mangangasiwa sa magiging kabuuang operasyon ng mga quarantine facilities.

Nauna rito, inihain ni Go ang Senate Bill No. 1529 o mandatory quarantine facilities act of 2020 nitong ika-13 ng Mayo na layong ihiwalay sa iba ang pasyenteng maaaring tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at ilagay ito sa mga naturang pasilidad nang hindi na ito makahawa pa.

Pinabubuwag na ng isang mambabatas ang Land transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)

Pinabubuwag na ng isang mambabatas ang Land transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa nagpapatuloy na problema sa pampublikong transportasyon.

Ito ang itinutulak ngayon ni Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol Jr. dahil sa tindi ng problemang pinapasan ng publiko dahil sa kapalpakan ng LTFRB.

Sinabi ni Datol, nakatakda siyang magsumite ng house bill sa kongreso upang mabuwag na ang LTFRB dahil sa limitado pa ring pampublikong trabsportasyon sa ngayon.

Aniya, kung hindi kasi bubuwagin ang LTFRB ay magsisinungaling,  at paiikut-ikutin lamang nito ang publiko at ang pamahalaan.

Una rito, sinabi ni LTFRB Chair Martin Delgra na sumusunod lamang sila sa hierarchy para sa unti-unting pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa bansa.