Sumailalim sa orientation ang mga department heads ng lokal na pamahalaan ng Pikit, Cotabato at sa Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC).

Pinangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development XII ang pagsasanay para sa ikalawang yugto ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS) program.

Nagpahayag ng kagalakan sa pagtanggap ng naturang programa ang LGU pati na ang Sangguniang Bayan ng Pikit.

Anila, napapanahon ang Kalahi-CIDSS program ngayon dahil sa patuloy na pagharap ng bansa sa krisis na dulot ng pandemiyang COVID-19.

Ang Kalahi-CIDSS ay isa sa mga programang nasa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) project ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).

Layon nito na matulungan ang mga mamamayan ng bayan na nasa sektor ng mga mahihirap na pamilya.

Sa ngayon, pinaghahandaan na ito ng lokal na pamahalaan ng Pikit at inaayos na ang mga dokumentong kinakailangan upang masimulan ng ang nabanggit na programa.

BUKAS NA PARA SA MGA ANAK O KAPATID NG mga Overseas Workers ang scholarship program ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Layun ng programa na makapagbigay ng financial assistance sa mga kaanak ng Overseas Workers na nagnanais makapag-aral ng kolehiyo sa ilalim ng Overseas Workers Dependent Scholarship Program o ODSP.

Bukas ang programa para sa mga dependents ng Overseas Workers na sumusweldo ng hindi lalagpas sa USD 600.00 o Php30,000 kada buwan.

Ayon kay City Government PESO Manager Herminia Infanta, Target ng programa ang mga kaanak ng Overseas Workers na aktibong miyembro ng OWWA.

Ilan lamang sa criteria para mag-qualify sa ODSP ang isang dependent ayon rin sa Public Employment Services Office ng City Government ay ang mga sumusunod: Kapatid o anak ng isang active OWWA member; single at 21 taong gulang kung papasok pa lang sa kolehiyo at hindi lalagpas sa 30 taong gulang kung kasalukuyang naka enroll sa college na kumukuha ng baccalaureate o associate course sa kolehiyo o unibersidad; walang failing grade sa huling pinasukang eskwelahan o semester, at dapat regular student kung naka enroll na sa kolehiyo.

May programa din ang OWWA para naman sa mga anak o kapatid ng Overseas Workers na nagtataglay ng 85% General Weighted Average

o GWA sa lahat ng subjects sa ilalim ng Education for Development Scholarship Program, o EDSP.

Magkakapareho lang ang criteria ng OSDP ay EDSP.

Ang kaibahan lang ay Php 20,000 kada school year ang financial assistance na binibigay ng OWWA sa mga iskolar sa ilalim ng ODSP samantalang Php 60,000 naman para sa mga EDSP Scholars.

Sa mga interisadong maging scholar ng OWWA, agad makipag ugnayan sa PESO na matatagpuan sa unang palapag ng gusali ng City Hall para sa kaukulang impormasyon.

Bayan ng Aleosan Cotabato nakapagtala ng kauna-unahang kaso ng Covid 19 kahapon, bilang ang covid 19 sa region 12 sumampa na sa 231.

Pumalo na sa 231 ang bilang nang kaso ng covid 19 sa soccsargen region matapos naitala ang 12 bagong kaso kahapon ng Center for health and Development ng Department of health 12.

Mula sa nasabing bilang pito rito ay mula sa lalawigan ng Sultan Kudarat, lima ay taga Tacurong, Isa ang taga Esperanza at isa naman mula sa bayan ng Lambayong.

MUla sa 12 bagong kaso ang isa ay mula sa lalawigan ng Sarangani at ang isa naman ay taga lalawigan ng Cotabato.

Ini-ulat din ng Covid 19 tracker ang paggaling ng apat na mga pasyente dahilan upang pumalo na sa 105 ang mga gumaling.

Nakapagtala ng unang COVID-19 positive patient ang Aleosan, Cotabato kahapon July 27, 2020.

Base sa inilabas na impormasyon ng Cotabato Inter-Agency Task Force on COVID-19, ang naturang pasyente ay isang 23-anyos na lalake na patuloy na inaalam ang travel history nito.

Kasalukuyan naka-admit ang pasyente sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City at nilinaw na hindi ito dahil sa COVID-19.

Ito na ang ika-34 na COVID-19 patient na naitala sa lalawigan kung saan 11 ang naka-recover, 2 ang namatay at 21 ang patuloy na nagpapagaling sa mga isolation centers o kaya naman ay sa ospital.

Samantala, sa 1st district ng Cotabato, tanging ang bayan na lamang ng Alamada ang walang naitalang COVID-19 patient.

Umaasa ang ilang senador na magbibigay si Pangulong Rodrigo Duterte ng komprehensibong plano ng gobyerno para tulungan na malampasan ng mga Filipino ang krisis sa COVID-19 sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw.

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, na dapat iwasan ng Pangulo na ihayag ang mga nangyari na at sa halip ay tumutok na lamang sa dapat gawin pa ng gobyerno.

Giit pa ni Recto na kahit ano pang gamitin na medium para sa pagdedeliver ng SONA ngayon ay isa lamang ang nilalaman nito at ito ay ang inspiring 2020 vision para kumilos ang buong bansa bilang iisa para mapagtagumpayan ang virus at kahirapan.

Para naman kay Senate Minority leader Franklin Drilon, oportunidad ang SONA kay Duterte para iprisinta ang komprehensibong plano para maka-survive sa pandemic at mabuhay ang ekonomiya ng bansa at matulungan din ang libo-libong OFWs na nawalan din ng trabaho.

Hinikayat naman ni Senate Committee on Labor Chairman Sen. Joel Villanueva ang Pangulo na talakayin sa kanyang SONA kung paanong makakagawa ng trabaho ang gobyerno para sa Filipino na naging jobless dahil sa pandemic.

Dapat “economic offensive” ang estratehiya ng Pilipinas upang mabisang labanan ang nakaambang pagbagsak ng ekonomiya nito, dulot ng Covid-19 pandemya, ayon kay House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, isang kilalalang ekonomistang mambabatas.

Upang manatiling nasa opensiba ang pang-ekonomiyang hakbang ng bansa, nanawagan ang mambabatas na pagtibayin agad ng Kongreso ang panukalang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act,’ na matagal nang nakabinbin sa lehislatura, at lalong pasiglahin ang implementasuyon ng “Build, Build, Build program” ng pamahalaan.

Naglabas si Salceda ng isang ‘34-point manifesto’ na naglalayong isulong ang programang “Lupigin ang Covid-19” ni Pangulong Duterte na inaasahan niyang babanggitin ng Pangulo sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27.

Pinuna ni Salceda na sa kabila ng kakulangan sa kakayahan ng ating bansa, ipinakikita ng mga ‘epidemiological models’ na napigilan ng mga mahigpit na ‘quarantine lockdowns’ ang tinatayang mga 3.5 milyong pagkahawa sa virus.

Nakapagtala na umano ng isang suspected na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang bansang North Korea .

Ayon sa state news agency KCNA, ito raw ay isang indibidwal na umuwi sa bansa noong Hulyo 19.

Kaya naman, nagpatawag na umano ng emergency politburo meeting si North Korean leader Kim Jong Un sa ruling na Workers Party.

Sinasabing tinalakay umano sa pulong ang “emergency event” na nangyari sa lungsod ng Kaesong.

Inihayag ni President Vladimir Putin na bibili ang kaniyang bansa ng 40 bagong barko ngayong taon para sa Bansang Russia.

Isinagawa nito ang anunsiyo ng dumalo siya sa naval parade sa St. Petersburg bilang pagdiriwang ng Navy Day sa nasabing bansa.

Ang parada sa St. Petersburg at kalapit na bayan na Kronsshtadt ay nagpapakita ng 46 na ships at vessels na dinaluhan ng mahigit 4,000 na sundalo.

Dagdag pa nito na ang nasabing mga barkong pang-giyera ay lalagyan ng mga hypersonic weapons para lalong mapalakas ang kanilang kapasidad sa pakikipaglaban.

BRUTAL na kamatayan ang sinapit ng isang 12-anyos na lalaki mula sa kamay ng person with disability.

Ang bangkay ng biktima ay natagpuang lumulutang sa irrigation canal ng Barangay Tibal-og, kamakalawa.

Ayon kay Sto. Tomas Municipal Police Station Chief Police Major Frederick Deles, agad din nila nadakip ang hindi pinangalanan suspek na lango sa ipinagbabawal na gamot at nakuhanan pa ng ilang pakete ng pinaniniwalaang shabu.

Isinailalim naman sa otopsiya ang labi ng biktima para matukoy kung ano ang ginamit ng suspek sa pagpaslang sa biktima.

10 kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Figthers o BIFF mula sa ilalim ng paskyon ni Gani Saligan ang sumuko pamahalaan.

Ayon kay Mayor Datu Salik Mamasabulod ang mga sumuko ay binigyang nang cash assistance sa ilalim ng livelihood program ng gobyerno sa simpleng seremonya na sinaksihan nina 602nd deputy brigade commander Lt. Col. Donald Gumiran, Vice Mayor Datu Abdila Mamasabulod at iba pang opisyales.

Naging tulay ang tropa ng 90th-IB ngPhl Army na pinangunahan ni Lt. Col. Micheal Maquilan upang makumbinsi ang mga rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan.

Una rito, apat na Dawlah Islamiyah members ang sumuko sa tropa ng 55th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army sa bayan ng Marogong,  Lanao del Sur.

Ang mga sumuko ay pinangungunahan ng isang alyas “Jamil” na sangkot sa paghahasik ng terorismo sa lalawigan at mga karatig lugar.

Isinuko rin nila ang kanilang mga armas na M653 carbine rifle, dalawang 40mm grenade launchers at dalawang cal. 45 pistols.

ayon kay 55IB  commanding officer Lt. Col. Franco Raphael Alano, ang apat ay nagdesisyong sumuko sa pakikipagkoordinasyon sa mga lokal na opisyal ng bayan ng Marugong.

Nagkaisa ang mga local government officials at mga residente sa tatlong municipalities at 104 barangayas nang lalawigan para tuldukan na ang isinasagawang karahasan ng mga Local Terrorist at New Peoples Army (NPA) na nag-ooperate sa kanilang lugar.

Sa isang Mass Condemnation ceremony na isinagawa kamakaylan sa Ditsaan-Ramain Multi-Purpose Complex, Brgy Ramain Proper, Mariing kinondena ng mga Local Chief Executives ng Ditsaan-Ramain, Bubong, at Buadiposo-Buntong ang mga terorista at idiniklarang persona non grata, ibig sabihin walang puwang sa kanilang bayan ang mga komunistang NPA at mga local terrorist group.

Naglabas ng resolution ang mga nasabing bayan para bumuo ng Municipal and Barangay Task Force in Ending the Local Communist Armed Conflict (TF-ELCAC).

Dumalo sa nasabing event ang mga opisyal ng militar na pinangunahan ni 82nd Infantry Battalion Commanding Officer Lt Col. Rafman Altre.

Ikinatuwa ng militar ang naging hakbang ng mga LGUs na nakikiisa sa militar para mapanatili ang peace and order sa kanilang mga bayan.