Binigyan dalawang buwang extension ang mga may-ari ng sasakyan para sa renewal ng kanilang sasakyan

Binigyan dalawang buwang extension ang mga may-ari ng sasakyan para sa renewal ng kanilang sasakyan dahil sa kawalan ng Emission Testing Center sa lungsod ng Cotabato City.

 

Ayon kay LTO-XII Regional Director Macario Bong Gonzaga dahil sa nasabing development ay walang penalty ang lahat ng mga motorista na bigong makapag-renew lalo na ang mga plakang nagtatapos sa 3,4,5,6 at 7.

 

Sa kasalukuyan ay nananatling problemado ang mga residente ng Cotabato City at Maguindanao dahil sa kawalan ng Emission Testing Center na pinasara dahil sa ilang mga anumalya.

Idinagdag pa nito na wala na sa control ng LTO ang naturang usapin at ito ay nasa DOTR.

Anim ka tao, kabilang ang isang menor de edad, timbog sa drug buy bust operation

Anim ka tao kabilang ang isang menor de edad ang nadakip sa isinagawang drug buy bust operation ng mga otoridad sa ibat-ibang mga bayan sa PPALMA Area kahapon .

Unang nasakote ang mag-asawang sina Anwar Siani Gutierrez, 34 na taong gulang, ang kanyang asawang si Samsia Dimawan Ambolodto Gutierrez, 33 taong at ang kanilang anak na menor de edad sa barangay Poblacikn 3, Midsayap, Cotabato.

Ayon kay Police Lt. Col. John Miridel Calinga, hepe ng Midsayap PNP, nasamsam sa posisyon ng pamilya Gutierrez ang isang sachet ng pinaghihinlaang shabu na siyang nabili ng poseur buyer, dalawang malalaking pakete ng pinaghihinalaang shabu, limang nakabukas na plastik na may mga latak ng pulbos ng pinaghihinalaang shabu, P1, 000 marked money at samut saring drug paraphernalia.

Kalaunan ay nasakote din ng Midsayap PNP ang isang Joel Ramos Florendo, 30 taong gulang, walang asawa, walang trabaho at residente ng barangay Poblacion 6 sa nasabing bayan.

Nakuha sa posisyon ni Florendo ang isang pakete ng pinaghihinalaang shabu na bunga ng operasyon, isang medium size na plastik na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at P500 marked money.

Pawang ikalawang beses na ng pagkakahuli dahil sa pagtutulak ng droga nina Anwar Gutierrez at Florendo at nakalabas lamang dahil sa plea bargaining agreement.

Samantala, nasakote naman sa pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) North Cotabato at Aleosan Municipal Police Station sa pamumuno ni Police John Arvin Cambang ang magpartner sa pagtutulak ng droga na nakilalang sina Jason Selgas, 32 taong gulang, isang construction worker, at residente ng barangay Poblacion 2, Pigcawayan , Cotabato at Frudencio Layugan III, 38 taong gulang, isang collector at residente ng barangay Dualing , Aleosan , Cotabato.

Nakipagsundo umano ang dalawa sa isang asset na pagbentahan ito ng ilegal na droga kaya agad na naaresto ang magkaparehang suspek na talamak at lantaran umanong nagtutulak sa naturang lugar.

Nakuha sa mga suspek ang isang maliit na pouch na may lamang apat na piraso ng plastik na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na siyang nabenta nila sa poseur buyer at ang P500 na buy bust money.

Nasa kustodiya na ng mga nabanggit na operating units ang mga suspek habang inihahanda ang kasong may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang menor de edad naman na ginagamit umano ng kanyang magulang na runner sa pagbebenta ng droga ay itinurn-over ng pulisya sa DSWD para sa angkop na disposisyon.

Isang Pulis na frontliner napatay at tatlong iba pa ang nasugatan matapos barilin habang nasa quarantine check point

Binaril at napatay ng di pa nakilalang suspek ang isang pulis samantalang tatlo pa ang nasaugatan na mga fronliners habang nagbabantay sa quarantine checkpoint sa Esperanza, Sultan Kudarat.

Nakilala ang nasawi na si Police Executive Master Sergeant Arnold Paclibar, Sugatan naman sina Police Staff Sergeant Chato Maycong, Barangay Health Worker na si Josephine Danggan at barangay tanod na si Arnel Saldo.

Ayon sa ulat ng Esperanza PNP na si EMS Paclibar ay binaril ng lalaki na hinarangan nila sa PNP Quarantine checkpoint sa Brgy Poblacion Esperanza Sultan Kudarat habang abala sa pag-inspeksyon sa mga dokumento ng sinakyan nitong motorsiklo.

Tinamaan sa ulo si Paclibar at agad binawian ng buhay habang sugatan sa kamay ang babaeng pulis na nakipagbarilan sa suspek na mabilis na tumakas.

Nagtamo rin ng sugat ang Barangay Tanod at Brgy Health Worker.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pursuit operation ng Esperanza PNP laban sa suspek.

Lalaki, patay matapos tinaga sa bayan ng Midsayap

Isang lalaki ang pinagtataga sa bayan ng Midsayap kagabi.

Sa ulat na pinalabas ng Midsayap Police, ganap na alas 6:30 kagabi ay isang tawag ang kanilang natanggap mula sa kapatid ng biktima ukol sa naganap na krimen.

Sa pagtungo ng mga elemento ng pulisya sa lugar ay dinala na ng mga residente sa ospital ang biktimang nakilalang si Lester Glenn Barret Cadungog, 37 taong gulang, walang asawa, walang trabaho at residente ng Purok 7, Barangay Anonang, Midsayap, Cotabato.

Samantala, nakilala ang suspek na isang Ramil Delos Santos Dapilaga, 45 taong gulang, walang asawa, isang magsasaka, at residente din ng nasabing lugar.

Sa isinagawang imbestigasyon ng kapulisan, naglalakad na umano pauwi ang biktima kasama ang kanyang kaibigang nakilalang si Arvin Rebalde Daquiado ng bigla na lamang umanong sumulpot sa kanilang harapan ang suspek na may dalang bolo at kinumpronta si Cadungog na humantong sa mainitang pagtatalo.

Nagpambuno umano ang suspek at ang biktima na nauwi sa pananaga ng suspek sa biktima na tinamaan sa kaliwang braso nito.

Mabilis na isinugod ng mga residente sa lugar ang biktima dahil sa mga seryosong na tinamo nito.

Sumuko naman ang suspek kay Anonang Punong Barangay Susana Longhay dahilan upang mahuli ito at kasalukuyang nakapiit na sa custodial facility ng Midsayap PNP at nahaharap sa kasong serious physical injury.

Dalawa katao ang patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril kahapon.

Unang naitala ang pammaril sa bayan ng Datu Unsay kung saan patay ang isang 60 anyos na si Zainal S Abdullah na residente ng Brgy Maitumaig alas 11:10 ng umaga.

Naganap ang insidnete habang nagpapahinga galing ng sakahan ang biktima kung saan pinagbabaril ng di kilalang suspek.

Ang ikalawang insidente ng pamamaril ay naganap sa bayan ng Sharif Aguak napaslang ang isang magbobote na nakilalang si Gerson Geromiano Gases, 43 anyos na taga Barangay Tambak, Lambayong Sultan Kudarat.

Sakay ang biktima ng minamanehong motorsiklo sa national highway ng barangay Satan ng paputukan ng di nakilalang mga suspek sanhi para magtamo ng multiple gun shoot wound sa kanyang katawan.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing krimen para matukoy kung sino ang mga salarin at ano ang motibo.

Isang barangay sa bayan ng Tampakan sa South Cotabato isinailalim sa lock down matapos nagpositibo sa covid 19 ang isang pulis.

Tampakan, South Cotabato -Inilagay sa total lockdown sa loob ng walong araw ang ilang bahagi ng isang barangay  matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang alagad ng batas.

Ayon kay Tampakan Mayor Leonard Escobillo, isinara nila ang apat na purok na nasa sentro ng Barangay Lambayong upang maisagawa ang contract tracing at maisalang sa agarang isolation ang lahat ng mga nakasalamuha ng lalaking pulis.

Sinabi ng alkalde na pinayagang umuwi sa kanyang pamilya ang pulis sa loob ng apat na araw pero natuklasan sa PCR test na nagpositibo ito sa COVID-19.

Cotabato Gov. Nancy Catamco nagpahayag ng kalungkutan matapos nagpositibo sa nakakahawang covid 19 ang isa nitong frontliner.

Nagpahayag ng kalungkutan si Cotabato Gov. nancy Catamco matapos nagpositibo sa nakakahawang covid 19 ang isa nitong frontliner na kabilang sa mga sumusundo sa mga locally stranded cotabatenios.

Si 8th case Patient Shane Matthew Piñol 20 year old taga Kidapawan City na kasalukuyang nasa isolation facility sa USM Hospital ay may travel sa Davao City at may history ng exposure sa confirmed positive case.

Nakaranas siya ng lagnat at pananakit ng katawan noong JUne 20 dahilan upang agad na binigyan ng agarang medical attention kung saan lumabas sa kanyang swab test ay nagpositibo ito.

Inilarawan ni Gov. Catamco si Shane bilang brave frontliner dahil hindi ito umaatras sa ano mang trabaho na ibinibigay sa kanya maging ang pagbubuwis ng kanyang buhay.

Sa kabila ng pangyayaring ito tiniyak ni Catamco na magpapatuloy ang programang Sagip Stranded Cotabateños upang matulungan ang mga kababayan na makauwi sa kanilang mga pamilya.

Umapela naman ang gubernadora sa lahat ng mga mamamayan na tumulong sa kampanya laban sa hindi nakikitang kalaban sa pamamagitan ng pagsunod sa mga health protocols.

Suspected drug pusher na driver ni Magpet, Cotabato Mayor Florenito Gonzaga nadakip

Sinampahan na nang kasong paglabag sa republic act 9165 o mas kilala bilang dangerous drugs act of 2002 ang driver ni Magpet Mayor Florenito Gonzaga matapos nadakip sa isinagawang anti-drug operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 at Magpet PNP sa Purok 5a, Sitio Palo 2, Barangay Pangaoan kamakalawa ng umaga.

Ang suspek na si Vergilito Remulano Magalso, 43, taga Mateo Kidapawan City na nagpakilalang driver ay nakuhanan ng ilang gramo ng pinaniniwalaang shabu na nakasilid sa kaha ng posporo.

Batay sa ulat ang suspek ay matagal ng sinusubaybayan ng mga operatiba ng PDEA bago ikinasa ang operasyon.

Dalawang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sumuko sa mga sundalo ng pamahalaan.

Dalawang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na kumukilos sa lalawigan ng Maguindanao ang sumuko sa mga sundalo ng pamahalaan.

 

Nakilala ang mga rebelde na sina Abubakar Kautin alyas Kumander Buba, field commander ng BIFF at high value target ng militar.

Kasama ni Buba na sumuko si Kautin Said.

Ayon 6th Infantry (Kampilan) Division spokesperson Lieutenant Colonel Edgardo Vilchez, sumuko ang dalawang BIFF sa tropa ng 40th Infantry Battalion Philippine Army sa GSK Pindatun Maguindanao.

Ang dalawang terorista ay matagal nang pinaghahanap ng militar at pulisya na nagtatago sa Liguasan Delta at mga tauhan ni Kumander Ustadz Karialan.

Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang isang M16 Armalite rifle, isang M1 garand rifle, mga bala at mga magazine.

Nagpasalamat naman si 40th IB Commander Lieutenant Colonel Rogelio Gabi sa LGU-GSKP sa pamumuno ni Mayor Rafsanjani Ali na tumulong sa pagsuko ng dalawang terorista na gusto ng magbagong buhay at mamuhay ng mapayapa.

Pinabubuwag na ng isang mambabatas ang Land transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)

Pinabubuwag na ng isang mambabatas ang Land transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa nagpapatuloy na problema sa pampublikong transportasyon.

Ito ang itinutulak ngayon ni Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol Jr. dahil sa tindi ng problemang pinapasan ng publiko dahil sa kapalpakan ng LTFRB.

Sinabi ni Datol, nakatakda siyang magsumite ng house bill sa kongreso upang mabuwag na ang LTFRB dahil sa limitado pa ring pampublikong trabsportasyon sa ngayon.

Aniya, kung hindi kasi bubuwagin ang LTFRB ay magsisinungaling,  at paiikut-ikutin lamang nito ang publiko at ang pamahalaan.

Una rito, sinabi ni LTFRB Chair Martin Delgra na sumusunod lamang sila sa hierarchy para sa unti-unting pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa bansa.