BIRD FLU OUTBREAK

Aminado si Department of Agriculture Secretary o DA Manny Piñol na lumubog umano ang demand ng mga produktong manok dahil sa bird flu outbreak.

Gayunpaman, hindi pa makumpirma ng kalihim kung gaano kalaki ang naging pinsala ng tumamang insidente.

Kung saan inamin nito na malaki ang naging epekto ng kawalan sa tamang impormasyon ng mga tao.

Dahilan para iwasan umano ng mga ito ang pagtangkilik sa mga manok at itlog.

Ang hakbang umano na ito ng mga konsyumer ay nagresulta rin sa pagkawala umano ng trabaho ng karamihan sa mga poultry farmers.

Gayundin sa pagbaba ng farm gate price na naging P15 per kilo mula P90 per kilo noon.

Inaasahang apat na buwan pa ang aantayin bago muling payagan ang mga poultry farmers na magalaga muli ng mga manok, bibe at iba pa.

Nauna ng naglaan ang ahensya ng P100 milyong bayad para sa mga manok at bibe na kinatay para matigil ang pagkalat ng virus.

Walong Pinoy ang dinakip ng Malaysian

Walong Pinoy ang dinakip ng Malaysian authorities matapos pumasok nang illegal kahapon ng madaling-araw sa Sabah di kalayuan sa lalawigan ng Tawi-Tawi ng autonomous region in Muslim Mindanao o ARMM.

Ayon sa ulat, nakatakas ang nagmamaneho ng speedboat na nagdala sa mga pasahero na sinasabing nagmula pa sa lalawigan ng Basilan.

Kinumpirma naman ito ni Sabah Region 4 Marine police commander Assistant Commissioner Mohd Yazib Abd Aziz at nabatid na ang mga dinakip ay may edad na 13-53.

Nasakote ang mga ito matapos na makatanggap ng report ang grupo ni Yazib sa pagpasok ng speedboat kung kaya’t agad na silang nag-abang hanggang sa maispatan ang mga ito.

Hindi naman inilabas ng Malaysia ang mga pangalan ng mga nahuli dahil sa patuloy ang interogasyon sa mga ito.

Nakuha sa kanilang pangangalaga ang ibat ibang identification cards. Kasalukuyang nakapiit ang mga ito sa Kampung Padas na kung saan dumaong ang speedboat.

Talamak pa rin ang pagpasok ng mga Pinoy sa Sabah nang illegal at karamihan sa mga ito ay sa Tawi-Tawi sumasakay patungong Malaysia.

OIL PRICE HIKE

Muling nagpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis sa bansa sa kanilang mga produktong petrolyo ngayong umaga.

Pinangunahan kahapon ng kompanyang Flying V at Petron Corporation ang dagdag presyo na P0.35 kada litro sa gasoline at tig-P0.20 kada litro ng diesel at kerosene na epektibo ngayon alas-sais ng umaga.

Sumunod naman ang kompanyang Pilipinas Shell, Phoenix Petroleum Philippines, PTT, Eastern Petroleum at iba pang kompanya ng langis sa pagpapatupad ng dagdag-presyo sa kahalintulad na halaga na epektibo rin ngayong umaga.

Inaasahan naman na susunod maglabas ng anunsiyo ang iba pang kompanya ng langis sa bansa sa pagpapatupad ng dagdag presyo sa kanilang mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga.

Ang ipinatupad na oil price hike ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.

Base sa report ngayong buwan ng Agosto ay panglimang beses na nagpatupad ng pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis.

Kidapawan City

Nagdulot ng takot sa ilang mga residente ng Kidapawan City ang isang naiwang bag sa police box na nasa overpass ng Quezon Boulevard sa siyudad.

Agad namang rumisponde ang mga kasapi ng K9 unit ng lungsod at siniyasat ang naturang bag at nabatid na negatibo ito sa anumang pampasabog.

Nabatid na ang laman ng nasabing bag ay notebook, sling bag, shirt at iba pang personal na mga gamit.

Sa kabila nito ay nagpasalamat pa rin ang mga otoridad sa pagiging alerto ng mga residente sa lugar upang maiwasan ang mga hindi inaasahang insidente.