Walong Pinoy ang dinakip ng Malaysian

Walong Pinoy ang dinakip ng Malaysian authorities matapos pumasok nang illegal kahapon ng madaling-araw sa Sabah di kalayuan sa lalawigan ng Tawi-Tawi ng autonomous region in Muslim Mindanao o ARMM.

Ayon sa ulat, nakatakas ang nagmamaneho ng speedboat na nagdala sa mga pasahero na sinasabing nagmula pa sa lalawigan ng Basilan.

Kinumpirma naman ito ni Sabah Region 4 Marine police commander Assistant Commissioner Mohd Yazib Abd Aziz at nabatid na ang mga dinakip ay may edad na 13-53.

Nasakote ang mga ito matapos na makatanggap ng report ang grupo ni Yazib sa pagpasok ng speedboat kung kaya’t agad na silang nag-abang hanggang sa maispatan ang mga ito.

Hindi naman inilabas ng Malaysia ang mga pangalan ng mga nahuli dahil sa patuloy ang interogasyon sa mga ito.

Nakuha sa kanilang pangangalaga ang ibat ibang identification cards. Kasalukuyang nakapiit ang mga ito sa Kampung Padas na kung saan dumaong ang speedboat.

Talamak pa rin ang pagpasok ng mga Pinoy sa Sabah nang illegal at karamihan sa mga ito ay sa Tawi-Tawi sumasakay patungong Malaysia.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *