Iimbestigahan na rin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang umano’y anomalya sa PhilHealth.

Ayon kay House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Party-list Representative Mike Defensor, magpapatawag sya ng motu proprio investigation kaugnay sa mga iregularidad at alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth.

Ibinunyag naman ni Defensor na binalaan na niya noon si PhilHealth President Ricardo Morales kaugnay sa mga raket na ginagawa nito sa loob ng tanggapan dahilan aniya para walang maipakitang Commission on Audit report ang ahensya sa mga nagdaang budget hearing.

Kasabay nito, sinabi rin ni House Minority Leader Benny Abante na nakatatanggap sya ng reklamo partikular na sa isang modus kung saan inilalagay na coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang sakit ng isang pasyente kahit iba ang sakit nito para lamang makakuha ng malaking diskwento.

Samantala, maghahain naman si Bayan Muna Representative Carlos Zarate ng panibagong resolusyon upang masilip ang katiwalian sa ahensya at matigil na ang korapsyon na siyang uubos sa pondo nito gayung nasa kasagsagan pa ng krisis ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Nasa warning zone na ang lagay ng mga healthcare system at facilities sa bansa. Ito ay matapos na isa-isang magdeklara ang mga ospital na puno na ang kanilang kapasidad dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa 53% na ng intensive care unit (ICU) beds ang nagagamit, habang 51% naman sa mga isolation beds.

Habang 57% naman ng ward beds ang nagagamit na, kung saan binigyang diin ni Vergeire na nangangahulugan itong nasa warning zone na ang occupancy rate ng bansa.

Dagdag pa ni Vergeire, ibig sabihin din anya nito na overwhelmed na ang mga pagamutan at pagod na ang mga doktor, nurses at iba pang health care workers.

Dagdag pa ni Vergeire, ang National Capital Region ay nasa danger zone na dahil nasa 70% ng bed capacity ng mga ospital sa Metro Manila ang okupado na.

Sa ngayon, nasa higit 83,000 na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Una rito, sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Harry Roque na posibleng ibalik muli sa enhanced community quarantine ang Metro Manila sa oras na pumalo sa 85,000 ang bilang ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng katapusan ng Hulyo.

Lumampas na 83,000 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ayon sa Department of Health (DOH) sumipa na sa 83,673 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 matapos madagdag ang 1,678 bagong kaso ng nasabing virus.

Ito na ang sunud sunod na ika-14 na araw na nakapagtala ng mahigit 1,300 bagong kaso sa loob lamang ng isang araw.

Kabilang sa mga lugar na nakapagtala ng pinakamataas na confirmed COVID-19 cases ang Metro Manila – 698, Laguna – 218, Cebu – 100, Cavite – 87 at Davao Del Sur.

Pumapalo naman sa 26,617 ang total recoveries matapos maitala ang 173  mga bagong gumaling sa naturang sakit.

Nasa  1,947  death toll sa COVID-19 matapos madagdag ang 4 na nasawi rito.

Umakyat naman sa 55,109 ang active cases na sumasailalim sa gamutan o naka-quarantine.

Ang Pilipinas ay nananatili bilang ikalawang bansa sa Southeast Asia na nakapagtala ng pinakamataas na kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan nangunguna ang Indonesia na mayruong mahigit 100,000  kaso na at ikatlo naman ang Singapore na nasa halos 51,000 ang active cases.

 

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang mga gunmen ang dalawang magkapatid bandang alas 11:30 ng umaga kahapon, sa Zone 5, Barangay, Prebitero, Pigkawayan, Cotabato.

Kinilala ni Pigcawayan Police Chief Maj. Ivan Samoraga, ang mga biktima na sina Ariel Del Soccoro Ballescas, 40 anyos  na residente ng Presbitero at John Michael Del Soccoro Ballescas, 38 anyos na taga Tigbawan.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon, nagtatrabaho lamang umano ang dalawang magkapatid sa nasabing lugar ng biglang lapitan ng mga suspek at agad na  pinagbabaril.

Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima dahilan ng kanilang dagliang kamatayan.

Matapos maisagawa ang krimen ay mabilis na  tumakas ang mga salarin sa hindi malamang direksyon  gamit ang isang getaway vehicle.

Blangko pa rin hanggang ngayon ang mga otoridad at patuloy pang inaalam kung sino ang mga salarin at kung ano ang motibo sa naturang krimen.

“GIVE BLOOD, SAVE LIVES.” Ito ang naging tema sa isinagawang blood letting sa City Hall na nilahukan ng mga empleyado ng City Government na boluntaryong nagdonate ng kanilang dugo para madugtungan ang buhay ng mga lubhang nangangailangan nito.

Isa ito sa mga highlight ng taunang pagdiriwang ng Blood Donation Month kada buwan ng Hulyo.

Isinagawa ang Blood Letting Activity ng City Government sa temporaryong City Blood Center sa City Pavilion.

Ginawa ng “institutionalized” ni City Mayor Joseph Evangelista ang City Government Officials and Employees Blood Letting activity kada buwan ng Enero at Hulyo simula noong taong 2013 upang mapunan ang suplay ng dugo sa nabanggit na pasilidad.

Patunay ito sa ilang taong pagkilala ng Department of Health sa Kidapawan City bilang consistent awardee sa National at Regional Sandugo Kabalikat Awards.

Isinailalim muna sa blood pressure monitoring, interview, blood typing, at medical check-up ang mga kalahok na opisyal at empleyado upang malaman ang kanilang pisikal at medikal na kakayahan na makapag donate ng dugo.

Maliban sa normal blood pressure na 120/80 o mas mababa pa, hindi bababa sa 50 kilograms ang timbang, kinakailangan din na walang nakakahawang sakit at iba pang underlying medical condition ang magpapakuha ng dugo, ayon pa sa pamunuan ng City Blood Center.

Pagkatapos ng blood donation program ay may libreng pagkain na inihanda ang City Human Resource and Management Office para sa lahat ng nagpakuha ng dugo para manumbalik ang kanilang sigla.

Nataon na ang Blood Donation Activity ay halos kasabay din ng inagurasyon ng bagong Php5 Million na Refrigerated Centrifuge ng City Blood Center na pinasinayaan ni Mayor Evangelista noong July 20, 2020.

Ang nabanggit na kagamitang medical ay siyang nagpo-proseso ng dugo patungo sa platelet concentrate na para sa mga pasyenteng nagkakomplikasyon sa dengue at packed RBC para sa blood transfusion ng iba pang pasyente.

Sa pamamagitan ng Refrigerated Centrifuge ay hindi na kailangan pang pumunta ang mga nangangailangan ng dugo o platelet sa iba pang lugar para kumuha nito.

Isang daang pamilya mula sa tribu ng T’boli at Blaan sa Barangay Bacong, Tulunan Cotabato ang nabiyayaan ng bahay mula sa tanggapan ng National housing Authority o NHA.

Ang nasabing mga pabahay ay formal na naipamahagi sa  presensya ni Governor Nancy Catamco, Tulunan Mayor Reuel “Pip” Limbungan, Vice Mayor Maureen Villamor, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at Barangay officials.

Nagbalik tanaw naman si Mayor Limbungan sa sakripisyo ng lahat at pag-aasikaso ng mga dokumento at kooperasyon ng homeowners at nang Presidente nito na si Gaudencio Ogit Jr.

Labis naman ang pasasalamat Barangay Chairman Victor Acac, sa lahat ng ahensya na tumulong sa kanila. Kanya rin hiniling ang dagdag pang kabahayan para sa mga residente na nangangailangan rin ng tulong.

Hiniling din ni Chairman Acac, Kay Gov. Catamco na maisaayos ang kanilang Farm to Market Road (FMR) dahil kabilang ito sa mga prioridad nila.

Agad naman itong tinugon ng Gobernadora kasama si Engr. Jun Duyungan ng Provincial Engineering office.

Sa panig ng NHA, sinabi ni NHA Regional Manager Engr. Erasme Madlos, na bukas ang kanilang tanggapan sa hiling ng pabahay, lalo na mula sa mga indigenous peoples o tribu dahil bahagi sila ng prayoridad ng pamahalaan na matulungan.

May ipinadala nang recommendation ang sangguniang panlalawigan sa napa-ulat na paglabag sa ipinatutupad ng health protocol matapos nakauwi ang isang binata sa bayan ng Mlang Cotabato sakay ng ambulansya na nagpositibo sa covid 19.

Ang recommendation ay ibinigay sa Municipal Health Unit namay hurisdiksyon sa nasabing kaso.

Matatandaan bumuo ng committee of the whole ang SP upang imbestighan kung bakit isinakay ang nasabing binata sa ambulansya gayong hindi naman ito nakamanepest sa nasabing sasakyan.

Ang nasabing pangyayari ay nagdulot naman ng matinding pagkabahala sa mga mamamayan.

Hindi lamang umano ang lungsod ng Kidapawan ang naquestioned ang kanilang ipinasang 2020 budget bagkus pati narin ang 15 mga bayan sa buong lalawigan .

Ayon kay Cotabato Vice Governor Lala Talinio Mendoza, hindi umano nasunod ng mga ito ang frame sa pagpasa ng budget kayat ibinalik nila ito sa mga local na mga pamahalaan upang maisa-ayos.

Matatandaan, isang resolution ang ipinasa ng sangguniang panlalawigan na kumukwesyon sa naipasang budget ng mga local na pamahalaan kabilang na ang lungsod ng Kidapawan.

Ipinabatid ng National Commission on Muslim Filipinos NCMF kay pangulong duterte na ang July 31,2020 ay ang pagdiriwang ng Eid’l Adha ng mga mananampalatayang Muslim.

Ipinabatid nina National Commission on Muslim Filipinos NCMF Secretary Saidamen B. Pangarungan, katuwang si Bureau of Muslim Cultural Affairs Director Laman Piang CESO II, sa pangulong Rodrigo Duterte ang petsa ng nakatakdang selebrasyon ng Eid’l Adha Festival para sa mga mananampalatayang Muslim.

Kaugnay nito inirekomenda ng NCMF sa pangulo na ideklarang pista opisyal ang araw ng Biyernes, July 31,2020 ayon sa isinasaad ng RA 9849.

Nakapagtala ng higit 1,000 bilang ng pagkasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Estados Unidos sa tatlong magkakasunod na araw.

Ito ay matapos na maitala ng Amerika ang nasa 1,014 apat na death toll dahil sa COVID-19, kahapon.

Sa pinaka huling ulat ng World Health Organization (WHO), nananatili ang u.s. Bilang may pinakamaraming bilang ng kaso ng COVID-19 na pumapalo na sa higit 4-milyon, at death toll na nasa 147,000.

Sa ngayon nasa higit 15-milyon na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa daigdig.