Isang testigo sa Maguindanao massacre case ang tinambangan, nasawi ang driver ng Department of Justice (DOJ) region 12

Sa Tantangan, South Cotabato patay ang driver ng Department of Justice (DOJ) region 12 habang nakaligtas naman ang isang testigo sa Maguindanao massacre case at escort nito makaraang pagbabarilin sa national highway Purok Maligaya, Barangay Bukay Pait, pasado alas-10:00 kaninang umaga.

Ayon kay South Cotabato Provincial Police Director Colonel Jemuel Siason, kinilala nito ang binawian ng buhay na si Richard Escovilla.

Minamaneho ni Escovilla ang Toyota Innova na grey na may plate# ZPU 341 mula sa direksyon ng Tacurong City sakay ang naturang testigo at escort nito na papunta sana ng airport subalit pagsapit sa kurbadang bahagi ng lugar pinagbabaril ang mga ito ng hindi nakilalang mga suspetsado na nakasakay sa Mitsubishi Montero.

Matapos matamaan ang driver, nawalan ito ng kontrol sa manibela at nabunggo sa isang kainan sa gilid ng highway.

Nakaligtas naman sa pamamaril ang naturang testigo na hindi na kinilala ni Siason dahil sakop ito ng Witness Protection Program (WPP) para na rin sa seguridad nito at kanyang escort.

Maari umanong pinagplanuhan ang nangyaring krimen at posible may kaugnayan ito sa kaso ng Maguindanao massacre, ayon kay Siason.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon at hot pursuit operation laban sa mga suspek na agad tumakas matapos ang nangyaring pamamaril.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *